Buhay ng Kabataan sa Pilipinas: Madali Para sa Iilang Napili Kaya Karamiha’y Dapat Masigasig

Queen Cuevas
6 min readJul 2, 2021

--

🖋 Isang blog na isinulat ni Queen Safara Rodesa T. Cuevas

Ayon sa Philippine Statistics Authority, mayroong 20.3 milyong kabataan na edad 15–24, na bumubuo ng 18% ng populasyon ng Pilipinas. Kaya naman, malaki ang papel ng kabataang Pilipino sa pagpapaunlad ng bansa. Ngunit sa panahon ngayon, napansin kong marami sa mga karapatan naming kabataan ang patuloy pa ring nayuyurakan at hindi pa rin nagagawan ng paraan. Totoo nga ba ang sinasabi ng matatandang “Sulitin mo ang pagkabata mo, madali lang ang buhay ng kabataan, ‘pag tanda mo saka ka lamang makakaranas ng hirap sa buhay.” Bilang isang kabataan, madali nga ba talaga ang buhay? Sa blog na ito, hayaan nyo akong ihayag ang munting piraso ng aking buhay bilang kabataan ng demokratikong bansa ng Pilipinas.

Sa labing-anim na taon ng aking paninirahan sa bansang ito, hindi naging madali ang paglalakbay ko. Naghiwalay ang aking mga magulang noong ako ay limang taong gulang, nasa preparatory pa lamang at wala pa masyadong kamuwang-muwang. At sa bansang ito, awtomatikong iisipin ng mga tao kapag wala kang tatay, hindi ka lalaking disiplinado. Kapag nag hiwalay ang mga magulang mo, hindi magiging maayos ang pagpapalaki sayo. Dagdagan pa ng pambubulas ng mga kamag-aral na babansagan kang “ Ah! Iniwan ng tatay, kawawa.” Ngunit sa halip na magmukmok, ako ay nagsumikap at nag-aral nang mabuti. Hindi ako nawawala sa mga piling mag-aaral na nagkakamit ng karangalan. Hindi ako lumaki sa isang buo, mayaman, masaya at puno ng pagmamahalang pamilya ngunit narito ako, nagawang lumaki ng may respeto, malasakit sa kapwa, marunong makuntento, masigasig, mapagmahal at mapagpatawad.

Nasa ika-apat na baitang ako noon nang iwan rin ako ng aking Ina upang mangibang bansa. Noong mga panahong iyon, tila ginising na ako ng katotohanan at muwang na wala na akong magulang na makakasama sa pang-araw-araw. Samu’t saring katungan ang pumasok sa aking isipan tulad ng “Kailangan ba talaga akong iwanan?” “Bakit ang aking mga kamag-aral, malayang nakakasama ang kani-kanilang magulang?” at marami pang iba na hindi lubos akalain ng sinuman na maiisip iyon ng sampung taong gulang na bata. Naiwan ako sa kaibigan ng aking Ina, sa aming mga kamag-anak, at sa aking tiya at tiyo. At muli, ramdam ko nanaman ang tingin ng mga taong mapanghusga. “Ay kawawa naman, pinabayaan na ng mga magulang.” “Pinagpasa-pasahan na, baka pabigat kasi.” “Naku! Baka magrebelde ‘yan tapos mabuntis nang maaga.” Ilan lamang iyan sa mga naririnig kong usapan sa aking kapaligiran. Sa kabila noon, nanatili akong masigasig sa pag-aaral. Hindi dahil pinipilit nila ako kundi dahil alam kong karapatan ko iyon at iyon ang magiging sandata ko pagdating ng panahon.

May mga panahon na nakararanas ako ng pambubulas o di kaya’y diskriminasyon dahil sa kondisyon ng aking mata. Mayroon akong “amblyopia” o lazy eye, isang kondisyon na kung saan hindi naaabot ng mata ang standard na linaw ng paningin sa kabila ng pagsuot ng salamin o contact lenses. Kung kaya simula unang baitang, nakasuot na ako ng salamin at dahil doon naranasan ko ang pambubulas mula sa aking mga kamag-aral, kung minsan pa ay iniisip nila na mahina at isa lang akong babaeng “nerd” na kamag-aral nila. Sa kasalukuyang panahon, maituturing na akong PWD dahil sa taas ng grado ng aking mata at maaaring mabulag na lamang pagdating ng panahon ngunit hindi ibig sabihin noon na katapusan na ng mundo at mawawalan na ng silbi ang buhay ko.

Ngayong labing-anim na taong gulang na ako, ang pag-iisip ko ay tila ganap na responsableng mamamayan na. Noong bakasyon, bilang panganay ay kinailangan kong kumita ng munting pera upang makatulong sa aking Ina at mga kapatid. At noong magbalik eskwela, kinailangan ko namang magsumikap sa pag-aaral upang magkamit ng matataas na marka at matugunan ang mga inaasahan nila. Ang nasa isip ko na lamang ngayon ay mag-aral nang mabuti upang makatapos ng pag-aaral, matustusan ang aking mga kapatid at makatulong sa pagbabago ng ating bayan. Ngunit kapag ipinapahayag ko ito, tila hindi naniniwala ang mga tao dahil, muli “bata pa lamang daw ako.”

Kung kaya nais kong gamitin ang pagkakataong ito upang maipahayag sa lahat ng tao na hindi madaling mabuhay bilang kabataan sa bansang Pilipinas. Maaaring iyong ibang napili, madali ang buhay nila bilang kabataan, marahil hindi na nila kailanga problemahin ang responsibilidad nila sa pamilya, o kaya ay marahil hindi sila hinahayaan ng kanilang mga magulang na maransan ang hirap ng buhay ngunit masasabi kong karamihan ng kabataan ngayon ay tulad kong nahihirapan at kailangang maging masigasig hindi lang sa pag-aaral kundi pati na rin sa buhay. Maraming mata ang nakatanaw sa bawat kilos mo, naghihintay kung kailan ang susunod na pagkakamali mo. Maraming taong huhusga sa iyo nang hindi nalalaman ang tunay na kuwento mo, at maraming nag-iisip na tulad ka lamang din ng mga pariwarang kabataang patambay-tambay lamang sa daanan o ‘di kaya’y mabubuntis nang biglaan. ‘Pag bata ka, iisipin nilang wala ka pang ibang kayang gawin, lalo na kung may kapansanan ka o kaya lumaki ka sa hindi buong pamilya. Bilang kabataan, nais ko iyong wakasan sa pamamagitan ng tamang paggamit ng aking mga karapatan.

Ngunit marahil nagtataka kayo, paano nga ba nasusunod ang aking mga karapatan bilang isang kabataan sa Pilipinas? Upang mangyari ito, sinisigurado kong alam ko ang mga karapatan ko bilang kabataan ng bansang ito. Dahil sa mga batas at alituntunin na ipinapatupad, nagkaroon ako ng lakas ng loob na labanan ang pambubulas at diskriminasyon na aking nararanasan, at kahit hiwalay na ang aking mga magulang, hindi naputol ang pagsuporta nila sa akin, patuloy akong sinusuportahan ng aking ama sa pinansiyal na pangangailangan at ng aking ina sa moral, espiritwal at paggabay na aking kinakilangan. Malaki rin ang gampaning ginagampanan ng aking mga guro at mga proyekto sa aming paaralan upang masunod ang mga karapatan ko bilang kabataan dahil nagkakaroon ako ng kalayaan sa pagpapahayag ng aking saloobin katulad ngayon.

Bilang pagtatapos, nais kong sagutin ang katanungan na “Ano nga ba ang matututunan ng kapwa ko kabataan sa aking mga karanasan bilang isang kabataan sa Pilipinas?”. Maraming kabataang nakararanas ng aking pinagdaanan ang nagiging pariwara at ginagawa iyong dahilan upang magrebelde ngunit nais kong maging iba mula sa kanila. Nais kong malaman ng mga kapwa ko kabataan na hindi hadlang ang kahit na anong pagsubok sa ating buhay upang maging kapaki-pakinabang na mamamayan ng ating bayang sinilangan. Marapat lang din na malaman nila ang mga karapatan nila bilang kabataan upang maprotektahan sila mula sa kahit na anong karahasan o mga karanasang hindi makatarungan. Maraming kabataan ang pinagkakaitan ng mga karapatan nila sa buhay. Iyong iba, hindi kayang ipaglaban ang karapatan nilang mag-aral, magpahayag, at kahit pa nga mabuhay kung kaya nais kong iparating sa mga kapwa ko kabataan na kami ang kailangan ng ating bansa upang umunlad, na kung nais namin ng pagbabago, kailangan naming kumilos.

Ang buhay mo ngayon marahil ay magulo at tila walang kabuluhan, miserable at tila wala nang patutunguhan, ngunit darating ang panahon na makikita mo rin ang kabuluhan ng buhay mo bilang kabataan ng bansang ito. Hindi madali ngunit hindi rin imposible. Alamin ang iyong mga karapatan at tungkulin upang ang iyong buhay bilang kabataan ay kayang kaya mong sulitin. Dito na nagtatapos ang blog na ito, maraming salamat sa iyong oras na iginugol sa pagbabasa!

--

--