Karapatang Pantao: Susi sa Pagtugon sa mga Isyu at Hamong Panlipunan
🖋 Isang blog na isinulat ni Queen Safara Rodesa T. Cuevas
Sa samu’t-saring isyu at suliranin na kinakaharap ng ating bansa at maging ng buong mundo, karamihan sa atin ay sadyang napapatanong kung “ Paano nga ba natin ito masosolusyonan?”. Dito na papasok ang kahalagahan ng karapatang pantao.
Ang karapatang pantao ay tumutukoy sa mga simpleng karapatan at katalaang nararapat na matamasa ng bawat mamamayan anuman ang estado o katayuan nila sa buhay. At ayon naman sa Equality and Human Rights Commision, “Ito ay pangunahing karapatan at kalayaan na tinataglay ng bawat tao sa daigdig mula sa kaniyang pagsilang hanggang sa kaniyang kamatayan.” Mahalaga ang karapatang pantao sa pagtugon sa mga isyu at hamong panlipunan dahil sa maraming kadahilanan ngunit sa blog na ito ay ibibigay ko sa inyo ang iilan.
Ayon sa World Report 2021 ng Human Rights Watch, lumala ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas noong 2020 dahil sa “giyera kontra droga” ni Pangulong Duterte. Dumami noong nakaraang taon ang pananakot at pang-aatake, pati ang pagpatay, sa mga aktibistang makakaliwa, tagapagtanggol ng kalikasan, lider ng komunidad ng katutubo, mamamahayag, abogado, at iba pa. Ilan lamang ito sa mga isyu at suliraning panlipunan na lubusang lumalabag sa mga karapatang pantao.
Dito pa lamang, masasabi na nating mahalaga ang karapatang pantao sa pagtugon mga isyu at hamong panlipunan. Kung hindi pahahalagahan ang karapatang pantao, marami ang mamamatay, magdudusa at maaapektuhan.
Sa pamamagitan ng mga karapatang pantao, ang pagtugon sa mga isyu at hamong panlipunang ito ay magiging makatarungan, walang bahid ng dugo at may pagkakapantay-pantay. Paano? Narito ang mga nakita kong mga isyu at hamong panlipunan sa kasalukuyan at kung ano ang kahalagahan ng karapatang pantao sa pagtugon sa mga ito.
1. Patayan at Giyera Kontra Droga
Una, mabibigyan ng garantiya ang hustisya para sa bawat mamamayan dahil lahat tayo ay may karapatan sa isang patas na paglilitis sa harap ng isang malaya at walang kinikilingan na korte kung sakaling maakusahan tayo na gumawa ng isang krimen o paglabag laban sa anumang batas. Kung kaya mas epektibo ang paglutas ng mga isyu o hamong panlipunan hindi tulad ng ginagawang “gyera kontra droga” ng Pangulo na patay dito, patay doon kaya dumadanak ang dugo at kahit inosente ay nadadamay dito.
2. Terorismo at Anti-Terrorism Act of 2020
Ikalawa, ang pagtugon ng pamahalaan sa terorismo gamit ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay tinutulan o hindi sinangayunan ng marami dahil naniniwala silang nilalabag nito ang karapatan na malayang pamamahayag. Maganda man ang hangarin nito, delikado rin sapagkat madali itong abusuhin o gamitin para sa sariling kapakanan ng kung sinong nakapuwesto o may kapangyarihan. Kumbaga pa, kahit hindi ka terorista, pwede kang maakusahan at maparusahan kung tingin nila ay “terorista” ka nang walang paglilitis. Tulad ng batas na ito, kung hindi isasaalang-alang ang karapatang pantao sa pagtugon ng mga isyu o hamong panlipunan, marami ang magdurusa kahit pa inosente sila.
3. Korapsyon
Ikatlo, talamak pa din ang korapyon sa ating bansa hanggang sa panahong ito mula sa maliit na sangay ng gobyerno at maging hanggang sa mataas na sangay nito. Nang dahil sa korapsyon, naaabuso ang karapatang pantao kaya upang matugunan ito, mahalagang isaalang-alang ng bawat mamamayan lalo na ng mga nakaupo sa pamahalaan ang karapatang pantao ng bawat isa. Maaari ring ipasok dito ang pagpapahalaga sa karapatang makapag-aral at mabigyan ng maayos na edukasyon upang makagawa ng maayos na desisyon at maihalal ang mga tunay na karapat-dapat sa posisyon.
Sa ating bansa, ang mga karapatang pantao ang nagsisilbing kalayaan ng bawat isa. Ito ang batayan natin sa mga paglabag, pang-aabuso, at panloloko. Kung kaya’t mahalagang isulong ito sa pagtugon ng mga isyu at hamong panlipunan dahil ito ang ating magiging tulay tungo sa kapayapaan sa ating lipunan. Ipinapamahagi ito para sa bawat isa, nang walang pagkakaiba. Ilan lamang ito sa samu’t saring dahilan kung bakit mahalaga ang karapatang pantao sa pagtugon isyung panlipunan. Para sa akin, ito ang gagabay sa ating lahat kung tayo man ay maaabuso. At higit sa lahat, epektibong maiiwasan ang paggamit ng dahas tuwing tutugon tayo sa mga isyu at hamong panlipunan na kinakaharap at kakaharapin pa ng ating bansa. Dito na nagtatapos ang blog na ito, maraming salamat sa pagbabasa, at nawa’y nabuksan ang inyong isipan para sa malawak at panibagong pananaw sa buhay at sa iyong mga karapatan.
Sanggunian:
World Report 2021: Rights Trends in Pilipinas — www.hrw.org
Dalawang mukha ng giyera kontra-droga, sa mata ng media — www.rappler.com
Laban ng lahat ang laban para sa Kalayaan; Laban ng lahat ang Karapatang Pantao — www.philippinehumanrights.org